Matagumpay nang naibalik sa kani-kanilang mga pamilya ang lahat ng 25 na labi ng mga alagang hayop na natagpuang nakasilid sa mga sako at plastik sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Kasabay nito, pormal nang naghahanda ng mga legal na hakbang ang animal welfare group na Luna and Furry Siblings Animal Rescue upang papanagutin ang pet crematorium na sangkot sa insidente.

Sa isang pahayag na inilabas ng Luna and Furry Siblings, nilinaw ng grupo na eksaktong 25 na aso at pusa ang kabuuang bilang ng mga labi na itinapon sa lugar. Ayon sa kanila, nagkaroon lamang ng kalituhan sa mga naunang ulat matapos magbigay ng maling bilang ang isang barangay tanod na nagsabing 29 ang mga hayop. Kinumpirma ng rescue group na ang lahat ng ito ay nakuha at naiparating na sa mga nagdadalamhating fur parents.

Naging mitsa ng matinding galit sa social media ang insidente matapos madiskubre na ang mga plastik na naglalaman ng mga bangkay ay may mga nakasulat pang pangalan at timbang ng hayop. Lumabas sa imbestigasyon na dinala ng mga may-ari ang kanilang mga pumanaw na alaga sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite para sa isang disenteng cremation. Gayunman, sa halip na i-cremate ay binigyan umano ang mga may-ari ng pekeng abo, habang ang mga totoong bangkay ay dinala at itinapon lamang na parang basura sa Bulacan. Agad nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Bacoor ang naturang pasilidad habang gumugulong ang imbestigasyon.

Kasalukuyan nang inaayos ng Luna and Furry Siblings ang mga dokumento upang pormal na sampahan ng kaso ang crematorium sa City Health Office, Barangay, CENRO, at sa Prosecutor's Office.

Dahil dito, nananawagan ang grupo ng tulong mula sa komunidad upang mapatibay ang ebidensya. Humihingi sila ng tulong sa pagkuha ng mga CCTV footage o anumang video proof sa gabi ng pagtatapon. Nangangailangan din sila ng mga donasyong USB flash drives na paglalagyan ng video evidence, pati na rin ng pinansyal na tulong para sa pagpi-print ng mga colored photos ng bawat hayop na gagamitin bilang opisyal na katibayan sa case files.

Nakahanda ring magpaabot ng tulong ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) para sa mga biktima, habang patuloy na nagluluksa ang mga pamilyang nabiktima ng naturang scam.

Courtesy: Luna and Furry