Arestado sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isang 62-anyos na Amerikanong pasahero matapos makumpiskahan ng tinatayang 17.46 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush.”.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nagkakahalaga ng ₱17.46 milyon ang nasabing ilegal na droga.

Napag-alamang lumapag sa bansa ang dayuhan mula sa Bangkok, Thailand. Hinarang ang suspek sa secondary inspection area matapos markahan at isailalim sa masusing pagsusuri ang kanyang mga bagahe.

Tumambad sa mga tauhan ng Bureau of Customs ang 15 vacuum-sealed pouches na naglalaman ng kontrabando na sadyang itinago sa loob ng mga packaging material sa dalawang checked-in bags nito.

Agad namang itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nasabat na ebidensya para sa forensic examination.

Mahaharap ang dayuhang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

📷: Bureau of Customs